Ginawa ng Gilas Pilipinas ang lahat laban sa New Zealand nitong Biyernes—maliban sa masungkit ang panalo.
Sa pangunguna nina Juan Gomez De Liaño, Kevin Quiambao, Dwight Ramos,at Carl Tamayo, itinulak ng Gilas Pilipinas ang Tall Blacks hanggang dulo, ngunit kinapos, 106-102, matapos ang dalawang overtime sa Spark Arena sa Auckland, New Zealand.
Sina Gomez De Liaño ang bumuhat sa Gilas sa unang 20 minuto ng laro sa pag-iskor nang 31 sa kabuuang 39 puntos ng koponan upang pumasok sa halftime na dikit sa Tall Blacks, 44-39. Pagpasok ng third quarter, uminit ng husto ang Gilas nang makapagtala ng 25 puntos habang nalimitahan ang New Zealand sa 19 puntos para makuha ang 64-63 na kalamangan bago ang huling yugto.
Labanang Hanggang Dulo ng Gilas Pilipinas at New Zealand
Nakuha ng Gilas ang 77-70 abante sa unang bahagi ng ikaapat na yugto matapos pumukol ng tres ni Ramos mula sa kaliwang kanto. Ngunit agad itong sinagot ng New Zealand, nang pumukol naman si Reuben Te Rangi ng kaniyang sariling tres segundo lang ang lumipas, na nagsimula ng mabilis na 7-0 run para itabla ang laro sa 77.
Ang palitan ng mga puntos na iyon ang naglatag ng matinding pagtatapos. Muling nakuha ng Gilas ang abante sa pull-up jumper ni Quiambao, bago muling bawiin ng Tall Blacks sa magkasunod na layup ni Tai Webster. Nanatiling lamang ang New Zealand, 83-80, matapos ang dalawang free throw ni Shea Ili sa huling 22 segundo, nang itabla ni De Liaño ang laban sa pamamagitan ng isang malakas na pull-up triple mula sa kanan.
Kapwa dikit ang overtime, nang magbigay si Te Rangi ng magkasunod na lay-in para sa 91-90 abante ng New Zealand sa huling 24 segundo. Ngunit muling nagpakitang-gilas si Gomez De Liaño, na tumira ng isa pang na tres mula halos parehong lugar para bigyan ang Gilas ng 93-91 kalamangan. Sa sumunod na play, nagbigay naman ng foul si Ramos na nagresulta sa dalawang free throw para kay Ili.
Kalma namang naipasok ng beterano ang parehong tira upang dalhin ang laro sa isa pang dagdag na oras.
Ang second overtime ay halos kapareho ng una. Si Justin Brownlee, na hirap sa buong laro, ay nakapuntos ng tres upang bigyan ng 100-96 na kalamangan para sa Gilas. Ngunit sumagot muli ang Tall Blacks nang makapuntos ng anim na sunod-sunod para muling makuha ang abante, 102-100. Muling naitabla ng Gilas ang laro sa one-hander ni Quiambao mula sa baseline, ngunit sa huli, nakahanap ng paraan ang home team para makuha ang panalo.
Gomez De Liaño, Quiambao Binuhat ang Gilas
Sa gabing si Brownlee ay nakapuntos lamang ng 5 sa tatlong tira, binuhat nina Gomez De Liaño, Quiambao, Tamayo, at Ramos ang opensa, kung saan sina Gomez De Liaño at Quiambao ay parehong may 23 puntos, habang sina Tamayo at Ramos ay nagdagdag ng 18 at 17.
Sa kabilang panig, nanguna si Te Rangi na may 22 puntos, at sinundan ni Ili na may 21. Nagdagdag si Sam Waardenburg ng 16 puntos at 10 rebounds, samantalang nagtala naman ng 13 puntos at 6 rebounds si Sam Mennenga. Nakapukol naman si Tai Webster ng 12 puntos.
Sa resulta, umangat ang New Zealand sa 3-2, habang bumagsak ang Gilas Pilipinas sa 2-3, na may tatlong sunod na pagkatalo sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.







